March 21, 2023
Kasado na sa siyam na rehiyon ng bansa ang pagtakbo ng libo-libong runners at advocates laban sa iligal na droga sa “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Bayanihan ng Mamamayan” Fun Run at Serbisyo Caravan ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Pahayag ni DILG Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr., kritikal na bahagi ng adbokasiya ng BIDA Program ang pataasin ang kamalayan ng mga mamamayan tungkol sa panganib ng iligal na droga at himukin silang tuldukan ang paglaganap nito sa kanilang mga komunidad. Aniya, malaking tulong ang mga fun run na ito sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang ipagpatuloy ang mga nasimulan ng programa.
“We are slated to conduct BIDA Fun Runs in nine regions in the country. Tuloy-tuloy lang po ang ating activities and we hope that our kababayans all around the Philippines and our partners can join us as we altogether do our part to eliminate illegal drugs in the country,” ani Abalos.
Ayon sa Kalihim, nakatakdang tumakbo ang BIDA Fun Run sa Region 2 bago matapos ang buwan; sa Abril naman ang Region 11 , Region 12, Region 7, Region 6 at Region 1. Sa Mayo, tatakbo laban sa droga ang Region 9, CARAGA at Cordillera Administrative Region. Magsasagawa rin ng biking activity ang MIMAROPA ngayong Abril.
Samantala, magdaraos ng isang buwang aktibidad ang Eastern Visayas sa Oktubre kung saan magkakaroon ng fun run, zumba, short filmmaking contest, at iba pa.
Matatandaang unang isinagawa ang BIDA Fun Run sa National Capital Region kasama ang higit 16k BIDA advocates noong Pebrero 26, na sinundan ng Central Luzon na may higit 7k participants noong Marso 5 at CALABARZON noong Marso 12 na may higit 10k na kasama.
“These are exciting days ahead not just in our fight against illegal drugs but also in our quest to inspire health and wellness through our activities. Kumbaga, hindi lang ‘hitting two birds with one stone’ sa paglaban sa iligal na droga at pangunguna sa mas malusog na pangangatawan, we are hitting three birds dahil may kasama pang serbisyo para sa ating mga kababayan,” paliwanag ni Abalos.
Nagsagawa din ng fun bike at unity walk noong Enero 27 ang Bicol Region kasabay ng paglunsad ng BIDA program sa rehiyon na sinamahan ng higit isang libong katao ani Abalos. Pinangunahan din ng naman ng Police Regional Office (PRO)-10 ang pagsasagawa ng mga fun fares gaya ng motorcade caravan, fun walk, bike ride, at zumba nang inilunsad ang BIDA sa Northern Mindanao na dinaluhan ng isang libong katao dagdag niya.
Binigyang-diin ni Abalos na mahalaga ang suporta at partisipasyon ng bawat isa sa mga gawain ng pamahalaan kontra iligal na droga kasabay ang pasasalamat sa mga regional offices ng Kagawaran sa paglulunsad ng iba’t ibang gawain sa ilalim ng BIDA program gaya ng BIDA Fun Run.
“Ang magiging susi sa tagumpay ng BIDA program ay ang pagsuporta sa mga pamayanan sa kanilang mga aktibidad laban sa iligal na droga at pagtuturo sa publiko tungkol sa masamang epekto ng paggamit nito,” ani Abalos.
“Salamat po sa ating mga katuwang sa DILG regional offices na naglunsad na ng BIDA program at nagsagawa na ng fun run sa kanilang mga lugar. Salamat sa pagsama sa ating laban para protektahan ang kinabukasan ng mga kabataan. Sila ang bagong henerasyon, kinabukasan ng buhay nila ang nakataya rito. Patuloy natin silang akayin tungo sa maganda at maliwanag na bukas,” aniya.
Ani Abalos, ipagpapatuloy at mas palalakasin ng DILG ang laban kontra iligal na droga kasama ang iba’t ibang sektor at ito rin ang kagustuhan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
“Ang ating mahal na Presidente, ito ang vision niya. We will fight this, not by the police alone; we will fight this through the whole-of-nation approach. Every sector – everyone has a role here. Makakaasa kayong ipagpapatuloy natin ang ating sinimulang laban. Ipapanalo natin ito,” pahayag ni Abalos.
Hinimok din ng Kalihim ang mga pamahalaang lokal na tuloy-tuloy na magsagawa ng iba’t ibang programa, proyekto at aktibidad sa buong taon na nakatuon sa pagpapatakbo at pag-institutionalize ng BIDA program sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular No. 2023-025.
Inilunsad ang BIDA program noong nakaraang taon upang paigtingin ang illegal drug demand and supply reduction efforts sa bansa gamit ang multi-sectoral approach.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-BIDA-Fun-Run-sa-9-rehiyon-sa-bansa-kasado-na-libo-libong-runners-inaasahang-tatakbo-laban-sa-iligal-na-droga/NC-2023-1039