October 11, 2023
Parami nang parami ang mga liga ng mga pamahalaang lokal na nagpapahayag ng suporta sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na nagkakansela sa pagkolekta ng pass-through fees sa pagnanais na mabawasan ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kamakailan ay nagpasa ng mga resolusyon ang League of Municipalities of the Philippines (LMP), Philippine Councilors League (PCL), at ang Vice Mayor’s League of the Philippines (VMLP) bilang pagsuporta sa EO 41.
“Salamat sa inyong pagsuporta at pakikiisa sa kautusan ng ating Pangulo sa pamamagitan ng Executive Order (EO) 41. These resolutions are staunch assurances that we have the support and cooperation of our local government units (LGUs) at the ground in implementing this policy,” ani Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos.
Inisyu ni Pangulong Marcos ang EO 41 nitong nakaraang linggo upang himukin ang mga local government units na suspendihin ang pagkolekta ng anumang kabayaran sa lahat ng uri ng sasakyang nagkakarga ng mga bilihin sa ilalim ng Section 153 o 155 ng Republic Act No. 7160 o ang Local Government Code of 1991.
Nauna nang nakipagpulong si Abalos kay ULAP President Dax Cua at iba pang opisyal ng ULAP upang kunin ang kanilang suporta sa pagpapaliban ng pass-through fees. Inaprubahan ng buong ULAP National Executive Board ang Resolution No. 00 s 2023 bilang suporta sa EO 41.
Oktubre 5 nang naunang umaksyon ang LMP nang ipasa nito ang National Directorate Resolution No. 2023-04 na nagpapahayag ng buong suporta ng organisasyon sa EO 41.
Nanawagan ang LMP sa kanilang mga kasapi na ipatupd ang EO at nangakong makikipagtulungan sa ibang grupo para tiyakin ang pagpapatupad nito.
Samantala, sa pamamagitan ng isang resolusyon, ipinahayag ng VMLP kasama ng kanilang 1,634 kasapi ang kanilang suporta sa EO 41 “as an active partner of the national government in addressing the impacts of inflation.”
Nagpasa rin ang PCL ng isang resolusyon sa paniniwalang ang “EO 41 will help lower the cost of transportation, ease the delivery and lower the cost of goods which is much need by the people in this time.”
Noong nakaraang Biyernes, nakipagpulong si Abalos kay ULAP president Gov. Dax Chua at iba pang opisyal at kaagad silang nagpasa ng resolusyon na inaayunan ang direktiba ng Pangulo.
Noong isang linggo, dahil sa inisyatiba ng Kalihim ng DILG, ipinahayag ng Metro Manila Council ang kanilang suporta sa EO 41.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-nagpasalamat-sa-ULAP-LMP-PCL-VMLP-sa-pagpasa-ng-mga-resolusyon-na-sumusuporta-sa-EO-41/NC-2023-1186