October 16, 2023
Mahigit dalawang linggo bago ang 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), pinangunahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos ngayong Sabado ang isang peace covenant signing sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang sa probinsya ng Maguindanao del Sur kung saan hinimok niya ang lahat ng kandidato na tiyakin ang malaya, patas, at payapang halalan.
Sa kanyang talumpati sa seremonya ng paglagda sa Brgy. Adaon, idiniin ni Abalos na ang mga opisyal ng barangay ay dapat magsilbing huwarang mamamayan sa kanilang mga nasasakupan dahil sila ang “frontliners” ng Nasyonal na Pamahalaan sa paghahatid ng serbisyo publiko sa sambayanan.
“Itong posisyon na ito ay napakabigat. Importanteng tayo ang maging modelo sa ating mga kababayan. Ang mga bata sa ating lugar, iyan ang paglilingkuran nyo, pati mga magulang nila, at lalong-lalong na iyong mga walang laban na tao,” ani Abalos.
“Kaya ang hinihingi ko sa inyo, dapat walang gagamit ng dahas. Walang bibili ng boto. Dahil ang maluluklok, iyan ang magiging lider natin, iyan ang magiging huwaran natin. Sa kanila naka-atang ang kinabukasan ng mga batang ito, ng ating barangay, ng ating munisipyo, ng ating probinsya, at ng ating bansa,” diin niya.
Nakiisa sa peace covenant signing ang mga residente at kandidato ng iba’t ibang barangay sa bayan ng Datu Anggal Midtimbang. Lumagda rin sa peace covenant sina Maguindanao del Sur Governor Bai Mariam Mangudadatu, Vice Governor Nathaniel Midtimbang, Municipal Mayor Maryjoy Estephanie Midtimbang, at mga lokal na kapulisan.
Bago ang peace covenant signing sa Maguindanao del Sur, binigyan muna si Abalos ng isang situation briefing ng kapulisan ukol sa lagay ng kapayapaan at kaayusan sa Rehiyon XII at Bangsamoro sa Police Regional Office XII Regional Headquarters sa Tambler, General Santos City, kung saan hinimok niya ang mga pulis na suriin ang mga batas ukol sa halalan at gumamit ng maximum tolerance habang nagbibigay ng tulong sa seguridad.
“Alam kong kayo ang imomobilize pagdating ng eleksyon. Kaya always keep this in mind: kailangan alam nyo ang batas pagdating sa eleksyon. For example, ang Board of Elections Inspectors, ang AFP (Armed Forces of the Philippines) o mga pulis ang uupo kung walang tatao diyan,” ayon sa Kalihim.
Dagdag pa niya: “There must be proper training here. Hindi dapat mainit ang ulo at mahaba ang pasensiya. And remember, you are wearing the Philippine National Police uniform, kayo ang authority on the ground.”
Idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Oktubre 30 bilang isang special non-working holiday sa buong bansa upang bigyan ng pagkakataon ang mga Pilipino na bumoto sa barangay election.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-nanguna-sa-peace-covenant-signing-sa-Maguindanao-del-Sur-hinimok-ang-mga-kandidato-ng-BSKE-na-iwasan-ang-karahasan/NC-2023-1196