April 5, 2023

Sa pag-uutos ni President Ferdinand R. Marcos, Jr., pangununahan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang isang Special Task Force na sisiguro sa pagpapanatili ng kapayapaan sa Negros Island kasunod ng karumal-dumal na pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa sa Pamplona, Negros Oriental noong nakaraang buwan.

Sa kanyang Adminsitrative Order 6 noong Abril 3, 2023, ipinag-utos ng Presidente ang pagbuo sa task force upang pigilan ang pagkalat at paglala ng karahasan sa ibang bahagi ng Pilipinas at panatilihin ang kapayapaan at kaayusan sa Isla ng Negros habang pinoprotektahan ang mga pangunahing karapatang sibil at pulitikal ng mga mamamayan.

Base sa naturang AO, tatayo bilang chair ng task force si Abalos habang magsisilbing co-chair niya ang mga Kalihim ng Department of Justice (DOJ) at Department of National Defense (DND).

“Nais naming tiyakin sa mga mamamayan ng Negros Island na gagawin ng ating pamahalaan ang lahat upang mapanatili ang kapayapaan at katahimikan sa inyong lugar. The law enforcers and the whole of government are here to protect you and assure you that we will all be on our toes to keep the peace in your island and prevent such crimes from happening again,” ani Abalos.

Matatandaang pinatay si Degamo noong ika-4 ng Marso sa loob mismo ng kanyang compound. Walong iba pa ang napaslang sa pag-atake habang 17 ang nasugatan.

Ayon kay Abalos, lahat ng hitmen sa kaso ay kasalukuyang nasa kustodiya na ng National Bureau of Investigation (NBI) at magpapatuloy ang imbestigasyon upang matukoy at mahuli ang mastermind ng krimen. Kasama sa 11 suspek na nahuli ng otoridad si Marvin Halaman Miranda na pinaniniwalaang isa sa “main co-conspirator” ng assassination na siyang nagbayad at nagbigay ng mga baril sa mga hitmen.

“Lahat ng assassins accounted na. We’re going towards the mastermind or masterminds ng Degamo case. Kumbaga sa damit, we got all the materials, tatahiin na lamang natin ito,” saad ng Kalihim.

Samantala, kabilang sa mga commander ng binuong task force ang hepe ng Philippine National Police (PNP), ang chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP), at ang direktor ng NBI.

Inaatasan rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) na magpaabot ng emergency relief assistance sa mga pamilya ng mga biktima, habang ang Department of Health (DOH) ay magbibigay ng psychological rehabilitation sa mga apektadong indibidwal.

Responsibilidad naman ng Presidential Assistant for the Visayas na makipag-ugnayan sa task force at suportahan ito sa pagtupad ng kaniyang mandato.

“Under AO No. 6, the task force will have the power to coordinate and rationalize the efforts of concerned government agencies and instrumentalities to “ensure a whole-of-government approach in the prevention, investigation, prosecution, and punishment of violence in Negros Island,” saad ng AO.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-pangungunahan-ang-isang-Special-Task-Force-sa-pagpapanatili-ng-kapayapaan-sa-Negros-Island/NC-2023-1054