February 8, 2023

Pinangalanan ngayon ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang panlimang miyembro ng Advisory Group na magsasagawa ng initial na screening sa mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagsumite ng courtesy resignation.

Ayon kay Abalos, ang ikalimang miyembro ay si Retired Justice Melchor Quirino C. Sadang na dating Associate Justice ng Court of Appeals at naging Vice Executive Judge at Presiding Judge ng Regional Trial Court.

Noong taong 1993-1994, si Sadang ay nagsilbing panel member na kumatawan sa Department of Justice ng pamahalaang Pilipinas sa Rebolusyong Alyansang Makabayan negotiating panel. Siya din ay naging law professor ng University of the East.

Sinabi ni Abalos na magpupulong na sa Lunes ang Advisory Group upang umpisahan na ang screening sa mga PNP top official at malaman kung sino-sino ang sangkot sa iligal na droga.

“Gugulong na ang pagsisiyasat. Ang importante ay matanggal ang dapat matanggal sa serbisyo at ang inosente ay maproteksyunan,” aniya.

Ang iba pang miyembro ng Advisory Group ay sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, PNP Chief Director General Rodolfo Azurin Jr., dating National Defense Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro, Jr. at Retired Major General Isagani Nerez.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-pinangalanan-ang-ikalimang-miyembro-ng-Advisory-Group-na-nagsasagawa-ng-screening-sa-mga-nagsumite-ng-courtesy-resignation/NC-2023-1016