April 3, 2023

Nakiisa at tumakbo ang mga mamamayan ng Cagayan Valley Region sa “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Bayanihan ng Mamamayan” Fun Run na pinangunahan mismo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. kaninang madaling-araw sa Isabela.

Kasamang tumakbo ng Kalihim ang mga opisyal at kawani ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan, local government units (LGUs), at mga kabataan mula sa Rehiyon Dos.

Humigit kumulang sa 3,500 BIDA advocates mula sa rehiyon ang nakilahok din sa zumba session kontra iligal na droga na ginanap din sa Isabela State University sa Cauayan City.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Abalos ang kahalagahan ng pagkakaroon ng aktibong lifestyle, partikular ng kabataan, upang mailayo sila sa impluwensya ng iligal na droga.

“Nariyan ang mga pulis, ang law enforcement units ng pamahalaan, gagawin nila ang kanilang tungkulin sa bayan. Ngunit kailangan natin silang tulungan sa laban na ito. Kailangang putulin natin ang ugat ng problema sa iligal na droga,” aniya.

“Kaya gabayan natin ang mga kabataan at himukin silang gamitin ang kanilang oras sa sports at iba pang produktibong bagay. Let’s help them have a healthy lifestyle,” dagdag pa niya.

Ito ang ika-anim na yugto ng BIDA Fun Run na programa ng DILG na naglalayong himukin ang mga mamamayan, partikular ang kabataan, na talikuran ang paggamit ng iligal na droga at bigyang prayoridad ang maayos at malusog na pangangatawan.

Una nang inilunsad ang BIDA Fun Run sa Metro Manila kung saan higit 16K runners ang nakiisa noong Pebrero 26. Sinundan ito ng fun run sa Central Luzon, CALABARZON, Bicol Region at Region X.

No. 1 sa drug-cleared barangays

Pinuri din ni Abalos ang mga lokal na opisyal at mamamayan ng buong Cagayan Valley Region sa kanilang matagumpay na kampanya kontra iligal na droga.

Ayon sa Kalihim, nangunguna sa buong bansa ang Region II sa may pinakamataas na porsyento ng drug-cleared barangays base sa datos ng PNP.

“Definitely a job well done! Congratulations sa ating mga lokal na opisyal, sa ating kapulisan, at sa mamamayan ng Region II,” ani Abalos.

Hinikayat niya ang mga lokal na opisyal ng rehiyon na ipagpatuloy ang kanilang magandang simulain at mag-pokus sa drug demand reduction campaign sa pamamagitan ng pagpapatupad ng BIDA program upang hindi na manumbalik ang droga sa rehiyon.

“Just continue what you are doing. At para hindi na lumaki pa ang inyong problema sa iligal na droga, paigtingin natin ang advocacy campaign sa grassroots level, sa mga paaralan, sa mga pamayanan. Itaas natin ang awareness ng publiko,” aniya.

Kasama ni Abalos na nanguna sa aktibidad sa Isabela sina PLTGen Rhodel Sermonia, DILG Undersecretary for Operations Lord Villanueva, Assistant Secretary for Local Government Odilon Pasaraba, local chief executives ng Cagayan Valley Region, civil society organizations, at mga youth at faith-based organization.

Tuloy ang pagtakbo ng BIDA Fun Run sa iba’t ibang rehiyon ng bansa upang patuloy na itaas ang kamalayan ng publiko sa mapanirang epekto ng iligal na droga at himukin ang mga mamamayang maging aktibong katuwang ng pamahalaan para wakasan ang problemang ito.

Ang BIDA program ng DILG ay nakatuon sa pagpapaigting ng illegal drug demand and supply reduction efforts sa bansa gamit ang multi-sectoral approach kasabay ng law enforcement na ipinapatupad ng mga autoridad.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Abalos-pinangunahan-ang-paglulunsad-ng-BIDA-Fun-Run-sa-Region-II/NC-2023-1048