Sinabi ngayon ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ang mahigpit na pagpapatupad ng gobyerno sa mga nasa granular lockdowns, katulad ng mandatory testing o 14-day quarantine, ay hindi dapat isipin na isang parusa kung hindi ito ay upang mapigilan o makaiwas sa pagkalat ng coronavirus.

Ayon kay DILG Secretary Eduardo M. Año, ipinatutupad lamang ng DILG ang titik at intensyon ng Republic Act (RA) No. 11332 na naglalayong protektahan ang publiko mula sa mga banta ng kalusugan at itaguyod at protektahan ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan. “Dahil sa Delta variant, kailangang magsagawa ang gobyerno ng mabilis at agresibong pagpapasya upang matuldukan na ang pandemya na kinakaharap natin ng isa’t kalahating taon na.”

“Sa panahon ngayon, hindi puwede ang patumpik-tumpik. Kailangan ang mabilisang desisyon at aksyon kasi ganoon din kabilis kumalat ang Delta variant,” sabi nito.

Sinabi rin niya na nakasaad sa Seksyon 9 ng RA 11332, ang hindi pakikipagtulungan ng mga infected persons (positive cases) at affected persons (exposed or close contacts) sa pandemic ay may parusa dahil inilalagay nila sa panganib ang buhay ng ibang tao.

“Ang hindi pabibigay ng kooperasyon ng positive patient ay ang pagtanggi na mag-isolate at para naman sa close contact, ito ang pagtanggi na sumailalim sa swabbing o testing o kaya mandatory 14-day quarantine kung ayaw niyang magpa-test, Ang mandato ng DILG ay malinaw. Hindi namin intenyion ang pagpaparusa, dahil hinihikayat namin ang 14-day quarantine para sa mga ayaw magpa-swab test,” sabi pa nito.

“Nais naming siguruhin sa publiko na tinitingnan ng DILG ang kalagayan at kondisyon sa mga pamayanan, kaya nga po ang payo ay magquarantine kung ayaw magpa-swab test. Ang pagka-quarantine ay pinapayo rin mismo ng batas,” dagdag nito.

Ang RA 11332 na naisabatas noong Abril 2019 ay naglalayong magtatag ng mga epektibong mekanismo para palakasin ang kolaborasyon ng national at local government health agencies para masiguro na mayroong tamang pamamaraan upang kaagad na makatugon sa mga report ang mga notifiable diseases at kaganapang pangkalusugan, kasama ang case investigation, treatment, pag-kontrol at pagpigil, pati na ang mga kasunod na gawain.

Ang pagpapatupad ng batas, dagdag ni Año, ay hindi dapat baluktutin at gamitin laban sa mga tagapagpatupad ng batas at sa halip dapat itong gawing mataas na pamantayan at ipatupad katulad ng ninanais ng Kongreso.

Ipinaalala muli ng hepe ng DILG na “kung ikaw ay close contact at ayaw mong magpa-test, puwede naman iyon pero ikaw ay dapat i-quarantine sa loob na 14 araw.”

Sinabi nito na ang pahiwatig o palagay na ang gobyerno at ang DILG ay hindi konektado sa kalagayan at hamon na kinakaharap ng mga Pilipino, lalong-lalo na ang mga mahihirap at marginalized, ay malayo sa katotohanan, “Ang DILG kasama ang Department of Social Welfare and Development at mga local government units ay ang lead agency sa pamimigay ng ayuda sa ating mga kababayang naghihirap. Alam namin ang damdamin ng tao,” sabi nito.

Samantala, patuloy na pinaaalalahanan at hinihikayat nito ang publiko, lalo na ang mga nasa granular lockdown, na sundin ang mga patakaran ng gobyerno dahil ang mga ito ay dinisenyo para makatulong sa pagpapagaan sa Covid-19 situation at hindi para pahirapan ang mga tao.

Sinabi nito na sa konteksto ng pandemya, dapat gampanan ng bawat Filipino ang kanilang bahagi sa paglaban sa nakakamatay na virus “dahil hindi kayang solohin ng gobyerno at medical frontliners ang laban kontra COVID-19.”

“Nakikiusap po ako sa ating mga kababayan, makiisa po tayo sa mga hakbangin at tagubilin ng pamahalaan sa pamamagitan ng disiplina sa pagsunod sa public health standards. Tungkulin po natin ito bilang mga Pilipino. Gawin po natin ito bilang ating ambag sa laban kontra COVID-19,” sabi nito.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Ao-DILG-ipinatutupad-lamang-ang-batas-hinikayat-na-mag-quarantine-ang-mga-ayaw-magpa-swab-test/NC-2021-1181