Upang paigtingin ang kakayahang tumugon sa mga sakuna lalo na sa panahon ng Kapaskuhan, namahagi ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ng 84 bagong ambulansya sa ilang city at municipal fire station sa buong bansa sa isang simpleng pagdiriwang sa national headquarters ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa Quezon City.
Ayon kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr, ang pamamahagi ng mga bagong ambulansya ay katuparan ng pangako ng pamahalaan na siguruhin ang kaligtasang pampubliko habang pinuri niya rin ang 34,000 fire officers na nagsisilbing frontliner at pinorotektahan ang buhay ng mga mamamayan tuwing may emergency at kalamidad sa kabila ng pagkukulang sa pasilidad at kagamitan.
“Ang mga sasakyang ito ay magpapataas sa kakayahan ng ating mga tauhan habang tayo ay nangangako pa ring magbibigay ng mataas na antas ng emergency response and rescue services at lalo pang pagagandahin ang serbisyong pangkalusugan ng ahensya,” ayon kay Abalos.
“Isang pagpupugay rin sa ating mga kasamahan sa BFP. Sa pagkakataong lahat ay takot at tumatakbo palayo sa sunog at panganib, parati nating makikita ang BFP na nasa harapan – nasa gitna ng aksyon, umaapula ng sunog, sumusuong sa mataas na tubig, nagrerescue, tumutulong,” dagdag pa niya.
Ayon sa Kalihim, ang 84 ambulansya ay ipapamahagi sa Rehiyon V at VII na biniyayaan ng tigpipaitong yunit; Rehiyon I, VIII, IX, at CARAGA na may tig-aanim na yunit; Rehiyon II, VI, XI, CALABARZON, MIMAROPA at Cordillera Autonomous Region na nakatanggap ng tig-lilimang yunit; at sa Rehiyon III, X, XII, at Bangsamoro Autonomous Region na binigyan ng tig-aapat na yunit.
Ang isang Type-1 Basic Life Support Ambulance ay isang a top-of-the-line Nissan Urvan NV350 na ginawa at dinisenyo ayon sa local at international standards, na magagamit hindi lamang sa paghahatid ng mga pasyente kundi sa pagbibigay ng emergency care at upang mapigilan ang paglala ng kondisyon ng pasyente habang hinahatid.
Ang mga ito ay mayroong Doctor/EMT/Paramedic Seating at Negative Pressure System na lalaban sa higit sa tatlong virus upang mapanatiling ligtas ang mga tauhan ng BFP sa kanilang operasyon. Ito ay mayroon ding two-way radio communication device, ventilation airway equipment, monitoring and defibrillator, chest compression device, immobilization device, dressing at bandages, obstetrical delivery set, infection control, at iba’t ibang EMS kits at supplies.
Hinikayat ni Abalos ang mga lokal na pamahalaan na makiisa sa kanilang lokal na fire station commanders upang matiyak ang kaligtasan ng pamayanan, at maging resilient at emergency-ready lalo na sa inaasahang pagdami ng mga sakuna sa panahon ng Kapaskuhan.
Nangako ang Kalihim na patuloy na sasanayin ang mga opisyal ng mga barangay upang maging force multipliers sa panahon ng sunog at iba pang kalamidad at hihingin ang tulong ng pribadong sektor upang mabigyan ang mga fire officers at volunteers ng health at hospitalization benefits.
“Simula sa grassroots, magkapit-kamay tayo sa paglikha ng resilient communities. Maging makabago tayo sa harap ng mga hamon. Magtulungan po tayo para sa ating adhikaing matulungan ang ating kapwa Pilipino,” ayon kay Abalos.
Dumalo rin sa pagdiriwang sina BFP Chief F/Dir. Louie S. Puracan at BFP Acting Chief Directorial Staff F/CSupt. Manuel M. Manuel.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-84-bagong-ambulansya-ipinamahagi-sa-mga-lungsod-at-munisipyo-upang-mapaigting-ang-pagtugon-at-serbisyo/NC-2022-1201