Sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ngayon na magpapatuloy ang mga operasyon laban sa iligal na droga at pagdakip sa mga indibidwal na sangkot dito sa ilalim ng bagong multi-sektoral na programang Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan o BIDA.
Ayon pa kay DILG Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr., tuloy-tuloy ang isasagawang mga drug raid at operasyon ng kapulisan at iba pang drug enforcement units sa ilalim ng BIDA program bukod pa sa pagbibigay pokus sa demand reduction at rehabilitasyon ng mga drug users.
Sinabi rin niya na inaasahan din ng pamahalaan ang suporta ng publiko at ng lahat ng sektor ng lipunan sa kampanyang ito sa pamamagitan ng pagreport ng mga kahina-hinalang aktibidad sa kanilang lugar sa mga autoridad.
Binigyang-diin niya na hindi lang dapat ang pulisya ang kumikilos kundi pati ang mga mamamayan sa kampanya laban sa droga. Lahat aniya ay dapat kumikilos at maging BIDA advocates.
Samantala, sinabi rin ni Abalos na bibigyan rin ng pokus ng BIDA ang pag-alalay sa mga nalulong sa bawal na gamot para tuluyan silang magbagong-buhay.
Mula Hulyo 1 hanggang Nobyembre 24, 2022, may 24,159 drug personalities na ang naaresto sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Marcos.
May kabuuang P9.9-bilyong piso na ring halaga ng iligal na droga ang nakumpiska sa mga drug operations na isinagawa ng pulisya.
Noong Sabado, halos 25,000 katao ang dumagsa sa Quezon City Memorial Circle para sa BIDA grand launching kung saan sila ay nagpahayag ng pledge of support para sa kampanya.
Kasama sa mga dumalo ay sina PNP Officer-in-Charge (OIC) of the Office of the Deputy Chief for Administration Lt. Gen. Rhodel Sermonia; National Police Commission Vice Chair and Executive Officer Alberto A. Bernado; Bureau of Fire Protection Director Louie Puracan; Bureau of Jail Management and Penology Jail Director Allan S. Iral; Metro Manila Development Authority Chairman Atty. Romando Artes; Philippine Sports Commission Chairman Jose Emmanuel Eala; Union of Local Authorities of the Philippines and Quirino Governor Dakila Carlo Cua; Dangerous Drugs Board Undersectary Gilberto D.C. Cruz; at Philippine Drug Enforcement Agency Deputy Director Pierre Bucsit.
Nandoon din sina Malabon City Mayor Jeannie Sandoval; San Juan City Mayor Francisco Javier Zamora; Navotas City Mayor John Rey Tiangco; Quezon City Vice Mayor Gian Carlo Sotto; at Marikina City Vice Mayor Marion Andres bukod sa iba pa.
Kasabay na inilunsad ang BIDA sa Cebu City; Cagayan de Oro City; at Davao City.