Tiniyak ng gobyerno ng Pilipinas na tatapusin ang anim na “smart city” projects nang dumalo ito sa 4th ASEAN Smart Cities Network (ASCN) Annual Meeting na ginanap online noong Lunes, ayon sa Kagawaran ng Interyor at Pamahalaang Lokal o DILG, na namuno sa delegasyon ng Pilipinas.
Ani DILG Pangalawang Kalihim ng Pamahalaang Lokal Marlo L. Iringan, na nagsalita sa ngalan ni DILG Kalihim Eduardo M. Año, bagamat naantala ng krisis ng COVID-19 ang pagpapatupad ng mga smart city projects, titiyakin ng bansa—sa pamamagitan ng mga pamahalaang lokal o LGU—na matutuloy ang mga proyektong nasimulan na.
“Sa kabila ng mga balakid, tutuparin namin ang aming pangako na tapusin ang mga smart city projects dahil mapapabuti at mapapabilis ng mga ito ang paghahatid ng mga serbisyo ng pamahalaan para sa publiko,” dagdag pa niya.
Ang mga smart city projects na ibinida ng DILG sa pagpupulong ng ASCN ay ang pagpapaayos ng Command Center at E-government Services sa Lungsod ng Manila; ang Bus Rapid Transit System at Digital Traffic System sa Lungsod ng Cebu; at ang Converged Command and Control Center pati na ang Intelligent Transportation and Traffic Systems with Security sa Lungsod ng Davao.
Binuo noong 2018 sa 32nd ASEAN Summit, ang ASCN ay isang plataporma ng kooperasyon kung saan ang mga lungsod sa sampung kasaping-bansa ng ASEAN ay nagtutulungan upang maabot ang layunin para sa mahusay at pangmatagalang kaunlaran, bigyang-daan ang mga proyektong kasosyo ang pribadong sektor, at maglaan ng pondo at suporta sa mga external partners ng ASEAN.
Ang 26 na naunang siyudad na kasapi ng sa ASCN ay ang: Bandar Seri Begawan, Battambang, Phnom Penh, Siem Reap, Makassar, Banyuwangi, DKI Jakarta, Luang Prabang, Vientiane, Johor Bahru, Kuala Lumpur, Kota Kinabalu, Kuching, Nay Pyi Taw, Mandalay, Yangon, Cebu City, Davao City, Manila, Singapore, Bangkok, Chonburi, Phuket, Da Nang, Hanoi, at Ho Chi Minh City. Hawak ng Brunei Darussalam ang pamumuno ng ASCN sa taong ito, sapagkat nakabatay ito sa pamumuno ng ASEAN.
Binanggit din ni Iringan sa nasabing pagpupulong na dahil sa hamon ng pandemya ng COVID-19, ang pangangailangan na ang mga lokal na ekonomiya ay bumaling sa mga solusyong base sa impormasyon at teknolohikang pangkomunikasyon o ICT upang mabawasan ang mga peligro sa kalusugan at madagdagan ang tinawag niyang coping capacities.
“Kung mapananatili ang symbiotic relationship sa pagitan ng network, mga kasaping-bansa, at mga smart cities, malalagpasan natin ang pandemya at mabibigyang-daan ang muling pagbangon ng ekonomiya,” ani Iringan.
Ayon sa kanya, napagtanto ng mga smart cities na ang pakikipagsanib-pwersa ay kinakailangan upang malampasan ang mga hamon at masimulan ang pagsulong.
“Bagamat ang pamahalaan ng Pilipinas ay nagpapasalamat sa mga pagkakataon sa pakikipagsanib-puwersa sa pamamagitan ng platapormang ito, nais naming hingin ang tulong ng ASCN upang matapos ang mga smart city projects na nangangailangan ng digital infrastructure at applications support,” anang pangalawang kalihim.
Ipinaliwanag ni Iringan na ang configuration ng mga nasabing proyekto ay nakatuon sa pangangailangan ng mahusay na sentrong tutugon sa mga emergency at krisis na nagbibigay ng agarang impormasyon para sa kaligtasan, proteksiyon ng mga nasasakupan, at dagdag na katatagan, lalo na’t ang bansa ay nasa Pacific Ring of Fire.
Ayon kay Iringan, isinusulong ang pagpapabuti ng pagmamando sa trapiko, mga sistemang transportasyon, at paglalagay ng e-services sa mga transaksiyon ng pamahalaan upang mabawasan ang pagbiyahe at magdulot ng mahusay na sistema ng pangmasang transportasyon. Nang sa gayon ay matugunan ang matagal nang suliranin sa mga naglalakad na publiko at trapiko sa mga lungsod.
Mga proyektong smart city sa Manila, Cebu, Davao
Sa kanyang ulat pambansa, inihayag ni Iringan na ang pinaayos na command center sa Manila City Hall ang tumatayong contact center at dispatch center ng mga emergency services. Ang command center ay may 28 display panels at mahigit 100 na makabagong mga camera na nakatutok sa iba’t ibang lugar sa lungsod. Ang mga ito ay may nakakabasa ng mga mukha ng tao at mga plaka ng mga sasakyan.
Sa kabilang dako, ang e-Government Services ng Maynila na tinatawag na Go! Manila ay maaring makita sa pamamagitan ng web and mobile applications. Ito ay tumutugon sa pangangailangan sa mga proseso na online at sa pagbabayad sa mga serbisyo ng pamahalaan habang may pandemya pa. Nasolusyonan din ng application na ito ang mahahabang pila, mga prosesong nakauubos ng oras, mga fixer, at iba pang mga pangangailangang personal o opisyal sa mga taong pumupunta sa city hall.
Ang nasabing app ay may kakayahang magproseso ng pagbabayad sa Real Property at Business Tax; may mga pasilidad sa pagbabayad ng mga pampubliko at pribadong bayarin; pagkuha ng mga permit at mga dokumento tulad ng residence certificate, birth and death certificates, occupancy permit at heath certificate; pagbabayad ng mga utilities,transaksiyon ng pera, at iba pa.
Samantala, ang Bus Rapid Transit (BRT) Line Plan ng Lungsod ng Cebu ay naglalayong mapaganda ang pagpapatakbo ng sistema ng transportasyon para sa mas episyenteng byahe papasok at palabas ng siyudad. Iniulat rin ni Iringan na sa ilalim ng Digital Traffic System project, nakatayo na sa 18 kanto sa lungsod ang mga sensors at makabagong surveillance cameras para malaman ang uri ng sasakyan, plaka, at bilis ng takbo ng mga sasakyang bumibiyahe sa siyudad.
Ang Converged Command Center ng Lungsod ng Davao naman ay nasa ikalawa sa limang yugto na ng pagpapatupad. Kasalukuyang inilalatag na ang digital infrastructure, mga kable sa ilalim ng lupa, pang-itaas na fiber optics, mga kable, at dagdag na mga CCTVs para sa surveillance. Nasa 70% na ang pagpapatupad ng proyekto kasabay ng High Priority Bus System (HPBS) habang ang disenyo ng mga depots at terminals para sa mga electric bus (eBus) ay 30% na ang naipatupad.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/DILG-Pilipinas-nangakong-tatapusin-ang-6-smart-city-projects-sa-Cebu-Manila-Davao/NR-2021-1104