October 11, 2023
Bilang paghahanda sa simula ng kampanya para sa ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), nagpasyang magsanib-puwersa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at ang Commission on Elections (COMELEC) laban sa pagbili at pagbenta ng mga boto.
Lalagdaan nina DILG Secretary Benhur Abalos at COMELEC Chairman George Erwin Garcia ang isang memorandum of agreement (MOA) sa Oktubre 11 (Martes) na naglalayong makipag-tulungan sa iba pang mga ahensiya ng pamahalaan, mga citizens’ arms at iba pang stakeholders upang matiyak ang pagdaraos ng malaya, maayos, tapat at mapayapang halalan.
“We’re ready to support COMELEC to safeguard the ballot. Labanan natin ang pagbili at pagbebenta ng boto, isang pinakamasamang kanser ng lipunan,” ani Abalos.
Sa ilalim ng MOA, magsasagawa ang DILG at COMELEC ng pagsasanay upang ituro sa kanilang mga tauhan ang pagkilala sa mga paraan ng pagbili at pagbenta ng mga boto at pagkalap ng ebidensiya ukol sa election offenses.
Pangungunahan din ng dalawang ahensiya ang isang information campaign tungkol sa pagbili at pagbenta ng mga boto sa mga LGU.
Ang panahon ng kampanya para sa halalan ng mga opisyal ng mga barangay at SK ay mula Oktubre 19 hanggang Oktubre 28 ng taong ito.
Ayon sa Omnibus Election Code, ang pagbili at pagbenta ng boto ay tumutukoy sa “offering money or anything of value to induce anyone to vote for or against any candidate or withhold his vote.”
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Labanan-ang-kanser-ng-lipunan-DILG-Comelec-magsasanib-puwersa-laban-sa-pagbili-pagbenta-ng-mga-boto/NC-2023-1188