February 21, 2023
Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
DILG Secretary
Saludo ang Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kapulisan ng Bangsamoro Autonomous Region on Muslim Mindanao (BARMM) sa pangunguna ni BARMM Police Director, Brig. General John Guyguyon matapos ang matagumpay na pagkakadakip at pagkakapatay sa mga suspek sa pag-ambush kay PLT Reynaldo Samson at mga kasama nito noong nakaraang taon.
Matatandaang si PLT. Samson ay pinagbabaril at tinambangan na humantong sa kanyang pagpanaw ng siya ay nakatakdang mag-issue ng warrant of arrest noong Agosto 30, 2022 sa Brgy. Kapinpilan, Ampatuan Maguindanao. Wala pang isang taon bilang chief of police sa Ampatuan si Samson nang siya ay pinaslang.
Ipinaabot ko ang aking pagbati kay Gen. Guyguyon kasama ang kapulisan ng BARMM sa pangunguna sa operasyon para madakip sina Abdulkarim Hasim o alyas ‘Boy Jacket’ at Makmod Lumbatan ngayong umaga, Pebrero 18, sa Purok Yellow Bell, New Isabela, Tacurong City.
Ayon sa pinakahuling ulat ng Philippine National Police (PNP)-BARMM, kaninang bandang 6:30 ng umaga isinagawa ng pulisya sa pakikipagtulungan ng mga military units ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang operasyon bitbit ang warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Annabelle D. Piang ng Regional Trial Court 12 para hulihin ang mga nasabing suspek na nagresulta ng kanilang pagkamatay.
Ito ay malaking tagumpay para sa PNP sapagkat ang mga ito ay matagal nang pinaghahanap ng mga awtoridad bunga ng kanilang pagkakasangkot sa iba’t ibang krimen sa Mindanao. Ito rin ay panalo para sa pamilya ng mga biktima na ngayon ay nakamit na ang hustsiya para sa kanilang mga kaanak.
Makaaasa po kayong ang DILG at PNP ay patuloy na tututukan ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan tungo sa mas maayos na pamumuhay ng bawat Pilipino sa Mindanao at saan mang bahagi ng bansa.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-SA-PAGKAKADAKIP-SA-MGA-SUSPEK-SA-PAG-AMBUSH-KAY-PLT-REYNALDO-SAMSON/NC-2023-1023