April 24, 2023
Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
DILG Secretary
Binabati ko si Major General Benjamin Acorda, Jr. sa pagkakatalaga nito bilang bagong Philippine National Police (PNP) Chief matapos siyang pangalanan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. bilang pinuno ng kapulisan.
Naniniwala akong si Acorda ang nararapat na mamuno sa PNP dahil sa kanyang malawak na karanasan at integridad upang tuparin ang hamon ng pagiging isang Chief PNP.
Siya ay miyembro ng Philippine Military Academy “Sambisig” Class of 1991 at naging pinuno ng Directorate for Intelligence ng PNP noong Agosto 2022, Palawan Police Provincial Office chief mula 2014 hanggang 2016, at nagsilbi bilang Regional Director ng Police Regional Office 10 ng Northern Mindanao.
Sa bagong yugtong ito ng PNP sa ilalim ng pamumuno ni Acorda, patuloy ang suportang ibibigay ng DILG sa pagpapatupad ng napapanahong pagbabago sa kapulisan habang masigasig nitong tinutupad ang mandato nito na pangalagaan at proteksyunan ang ating mga kababayan.
Inaasahan ko rin po ang suporta, kooperasyon at pakikiisa ng buong puwersa ng PNP sa bagong liderato upang maayos niyang magampanan ang kanyang tungkulin at mandato bilang pinuno ng kapulisan.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-SA-PAGKAKATALAGA-KAY-MAJOR-GENERAL-BENJAMIN-ACORDA-JR-BILANG-BAGONG-PNP-CHIEF/NC-2023-1062