February 27, 2023
Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
DILG Secretary
Masusi ko ngayong pinaiimbestigahan sa pulisya ang naganap na pananambang kay Mayor Ohto Montawal ng Tunggol, Datu Montawal, Maguindanao del Sur, sa Lungsod ng Pasay nitong Miyerkules, Pebrero 22, ilang araw lamang matapos ang pagpaslang sa isa pang opisyal.
Sa kabutihang-palad ay nadala agad sa ospital si Mayor Montawal at siya ngayon ay nasa maayos na kalagayan. Hangad natin na agarang manumbalik ang lakas ni Mayor Montawal upang makuhanan siya ng pahayag tungkol sa nangyaring insidente.
Samantala, nakatutok ngayon ang Philippine National Police (PNP) Station Special Investigation Team o SSIT “Montawal” upang tugisin ang mga salaring responsable sa pananambang at alamin ang posibleng motibo ng mga suspek. Ilang testigo na ang lumutang upang ilahad ang kanilang nasaksihan. Asahan po ninyong hindi titigil ang PNP hanggang hindi nasusukol ang mga suspek.
Inatasan ko rin ang PNP na mahigpit na bantayan at dagdagan ang seguridad para kay Mayor upang siguruhin ang kanyang kaligtasan mula sa anumang pagtatangka sa kanyang buhay.
Patuloy kaming magbibigay ng updates sa mga ginagawang hakbang ng ating kapulisan tungkol dito. Makakaasa kayo na ginagawa ng PNP ang lahat para tukuyin at hulihin ang mga suspek at matuldukan ang kasong ito.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-SA-PAMAMARIL-SA-MAYOR-NG-DATU-MONTAWAL-MAGUINDANAO-DEL-SUR-SA-PASAY-CITY/NC-2023-1027