December 27, 2022

Nakatanggap kami ng mga ulat sa hindi tamang paggamit o paglagay ng mga commemorative plates ng ilang mga indibidwal salungat sa isinasaad sa ilang regulasyon.

Sa ilalim ng Malacañang Memorandum Order 405, series of 1996, hindi dapat ipinapalit o inilalagay ang mga commemorative plates sa likod ng sasakyan o sa espasyo kung saan nakalagay ang regular na plaka. Hindi rin ito dapat ginagamit ng higit pa sa anim na buwan. Sa ilalim din ng LTO Administrative Order 2010-21, hindi dapat ito ipinapatong sa regular na plaka. Sa harap ng sasakyan, ito ay itinatabi sa actuwal na plaka ng sasakyan. Bawal itong ilagay sa likod ng sasakyan.

Inatasan na namin ang Philippine National Police- Highway Patrol Group (PNP-HPG) na makipagtulungan sa Land Transportation Office (LTO) para siguruhin na mahigpit sinusunod ng mga motorista ang mga regulasyong ito.

Gusto rin naming bigyang-diin na ang pagkakaroong ng commemorative plate ay hindi lisensya para sumuway sa mga batas trapiko. Kung may sablay kayo da batas-trapiko, huhulihin pa rin kayo.

Patuloy po tayong mangunguna upang matiyak na mapaiiral ang mga mahahalagang batas at kautusan ukol sa commemorative plates.

Pinapaalalahanan namin ang mga motorista at publiko, maging ang mga nagtatrabaho sa gobyerno na sundin ang tamang paggamit ng commemorative plates na ayon sa batas.

Ang ating pong pagsunod at pakikiisa sa mga nabanggit na batas ukol sa commemorative plates ay ang ating malaking ambag tungo sa mas maayos na sistema ng transportasyon sa bansa.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-TUNGKOL-SA-PAGGAMIT-NG-COMMEMORATIVE-PLATES/NC-2022-1207