January 12, 2023
Atty. Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
Kalihim ng DILG
Batay sa pinakahuling ulat, 88 porsyento o 841 sa 954 na mga matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) ang nagsumite na ng kanilang courtesy resignation bilang tugon sa panawagan ng pamahalaan at pagsuporta sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagsugpo sa iligal na droga sa bansa.
Kami ay nagagalak sa patuloy na pagtaas ng bilang ng colonels at generals ng PNP na tumutugon sa ating panawagan na magsumite ng kanilang courtesy resignation upang linisin ang hanay ng kapulisan ng mga iilang sangkot sa iligal na droga. Patunay lamang ito na kaisa natin ang PNP sa radikal na hakbang na ito.
Sa patuloy na pagdami ng mga nakikiisang pinuno ng PNP sa ating laban, naniniwala akong sa loob ng mga nalalapit na araw ay makukuha natin ang pagsuporta ng natitira pang mga opisyal ng PNP bago pa man magsimula ang pagrerebyu ng five-man advisory body at ng National Police Commission (NAPOLCOM).
Pinasasalamatan ko din ang mga mambabatas, local chief executives at iba pang ahensya ng pamahalaan na nagpahayag ng suporta sa kampanyang ito.
Ang inyo pong pakikiisa at suporta ay aming lubos na pinahahalagahan. Lalo pang tumitibay ang aming kumpyansa na ipagpatuloy ang labang ito na ang hangad lamang ay iligtas ang mga inosenteng Pilipino na nabibiktima ng salot na ito.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/PAHAYAG-NG-DILG-UKOL-SA-PATULOY-NA-PAGSUSUMITE-NG-COURTESY-RESIGNATION-NG-MGA-OPISYAL-NG-PNP/NC-2023-1005