February 21, 2023
Mas pinaigting na assessment criteria ang kailangang malagpasan at maipasa ng mga Lupong Tagapamayapa (LT) sa higit 42,000 barangay sa bansa bago makuha ang 2023 Lupong Tagapamayapa Incentive Awards (LTIA) ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin ‘Benhur’ Abalos, Jr.
“We are jumpstarting LTIA 2023 with an enhanced criteria and guidelines to elevate the performance of LTs in the barangay. Hangad namin na mas palakasin ang mga LT tungo sa mas maayos na pagtataguyod ng Katarungang Pambarangay (KP) sa mga pamayanan,” ani Abalos.
“Our Lupong Tagapamayapa are our frontliners when it comes to maintaining peace and order at the grassroots. Which is why it is important that we update our policies on this every now and then,” dagdag niya.
Ang LTIA ay ang taunang pagkilala sa mga natatanging LT na kinabibilangan ng Punong Barangay at ng sampu hanggang dalawampung miyembro na inatasan para lumutas ng mga kasong isinangguni sa kanila at ipatupad at ipalaganap ang KP sa kanilang lugar.
Ayon kay Abalos, napapanahon ang pag-update sa assessment criteria ng LTIA upang matiyak ang lalo pang pagbilis ng pagresolba ng mga idinudulog na kaso sa LT ng mga barangay. Dagdag pa niya, taong 2016 pa huling na-amyendahan ang polisiya sa paggagawad ng LTIA.
“Napapanahon ang pag-review ng ating criteria at guidelines para sa LTIA dahil may mga umusbong na bagong developments pagdating sa areas ng peace and order, administration of justice, and local governance. Kailangang akma sa kasalukuyang panahon at realidad ang ating mga polisiya,” aniya.
Sa pamamagitan ng DILG Memorandum Circular (MC) No. 2023-022, ipinahayag ni Abalos na isa sa mga pagbabago sa guidelines ng LTIA ay ang mas malaking puntos sa criteria ng settlement and award period, kung saan hindi bababa sa sampu ang kailangang ma-file sa Lupon at malutas na kaso sa pamamagitan ng mediation, conciliation at arbitration sa loob ng nakatakdang panahon.
Bukod dito, aniya, ilan pa sa mga mahahalagang pagbabago sa criteria ay ang pag-record ng mga kaso kung saan ay dapat na computer database at may searchable case information para sa mga lungsod at manual records at digital record filing naman sa mga munisipalidad sa ilalim ng criteria na systematic maintenance of records.
Ani Abalos, kailangan ring dumalo ang mga LT sa organized skills training, seminars, exchange visits na pinangunahan ng kanilang barangay para mas hubugin ang kanilang kaalaman at kasanayan sa KP. Dagdag pa dito, kailangang magsumite ang Lupon ng kopya ng settlement o ng arbitration award sa Korte sa nakatakdang oras.
Makakatanggap ng cash incentive hanggang 300,000 pesos at trophy o plaque of recognition ang mga Lupon na idedeklarang national winners at runners-up ng LTIA.
Binuo at itinatag ang LTIA noong 1982 at mas pinagtibay ito ng Executive Order No. 394, s. 1997 para maging Presidential Award. Ngayong 2023 iginugunita ang ika-25 na taon ng pagpapatupad ng LTIA bilang Presidential Award.
Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/Pinaigting-na-criteria-para-sa-pagpili-ng-pinakamahusay-na-lupon-inilabas-ng-DILG/NC-2023-1024