January 5, 2023

Sa gitna ng mga ulat na nananatili ang mga tinatawag na “ninja cops” sa Philippine National Police (PNP), nanawagan si Department of the Interior and Local Government Secretary Benjamin “Benhur” C. Abalos, Jr. ngayon sa mga full colonels at generals ng PNP na magbigay ng courtesy resignation bilang bahagi ng inisyatiba ng pamahalaan na linisin ang hanay ng PNP sa mga sangkot sa iligal na droga. Ang ranggong pinagreresign ay sensitibo at kritikal na posisyon sa PNP, kung kaya’t para sa mabilisang solusyon na paglilinis ng hanay ay importante ang courtesy resignation. Sinabi niya na ang pagreresign ay tanda ng karangalan ng indibidwal at respeto sa organisasyong kinabibilangan niya.

“Ako ay umaapila sa ating mga full colonels at generals sa PNP na magbigay ng kanilang courtesy resignation dahil ito lang ang paraan para linisin ang bakuran ng PNP nang mabilis mula sa mga may kinalaman sa iligal na droga,” sabi ni Abalos sa press conference ngayong umaga sa PNP National Headquarters sa Camp Crame, Quezon City.

Nilinaw ni Abalos na magiging epektibo ang courtesy resignation sa pagtanggap nito. Hanggang hindi tinatanggap ang resignation, tutuloy sa serbisyo ang nagsumite nito.

“Kung wala kang ginagawang masama, hindi ka dapat mag-alala. Tuloy lang ang trabaho. Gusto lang nating mag-umpisa muli nang malinis,” aniya.

Sinabi niya na kailangan ng “radical approach” laban sa iligal na droga dahil hindi patas ang laban para sa mas maraming pulis na inilalagay ang kanilang buhay sa peligro araw-araw sa mga anti-illegal drug operations habang ang iba pala sa kanilang mga opisyal ay ninja cops at nasa likod ng illegal drug trade.

“Maraming pulis ang binubuwis ang sarili nilang buhay para sugpuin ang iligal na droga, ayun pala boss nila ang kalaban nila. Napaka-unfair naman sa kapulisan na matinong nagtatrabaho,” dagdag pa niya.

Ninja cops ang tawag sa mga pulis na ibinebenta muli at pinagkakakitaan ang mga nakumpiskang iligal na droga.

Ayon kay Abalos, magkakaroon ng komite na binubuo ng limang mapagkakatiwalaang indibidwal na hindi niya muna pinangalanan upang pangalagaan ang kanilang seguridad, na siyang bubusisi sa mga dokumento at records upang malaman kung sino-sino nga ba sa mga opisyal ng PNP ang may kinalaman sa iligal na droga.

“Samahan ninyo ako sa laban na ito. Ang laban na ito ay hindi para sa atin, kundi para sa ating mga anak, sa ating bansa at para sa kinabukasan,” aniya.

Original Article at: https://dilg.gov.ph/news/PNP-courtesy-resignation-Pagpapamalas-ng-karangalan/NC-2023-1001